E-voting para sa mga Pinoy abroad, posible sa 2025—OFW Party-list
MATAAS ang kumpiyansa ng OFW Party-list na mangyayari sa 2025 general elections ang electronic voting para sa mga Pilipinong nasa labas ng bansa.
Pinaplantsa na ng Kamara ang panukalang magbibigay pahintulot sa mga Pilipinong nasa labas ng bansa na bumoto sa pamamagitan ng internet at target ng OFW Party-list maisakatuparan ito sa darating na general elections sa 2025.
Layunin ng House Bill 6770 na mas palawigin pa ang voting methods ng mga Pilipinong nagtratrabaho at naninirahan sa ibang bansa sa pamamagitan ng electronic o internet voting.
Aamyendahan ng nasabing panukala ang Republic Act 10590 (The Overseas Absentee Voting Act of 2013).
Kamakailan ay nagkaroon ng pagpupulong si Assistant Minority Leader at OFW Party-list Rep. Marissa ‘del Mar’ Magsino sa Commission on Elections (COMELEC), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Commission on Filipinos Overseas (CFO) at House Committee on Electoral Suffrage (HCES) upang ayusin ang detalye ng panukalang batas at matiyak na walang makikitang loopholes dito.
Dagdag naman ni Magsino na mismo ang COMELEC ay naglabas ng En Banc resolution na pagsang-ayon nito na magsagawa ng e-voting.
Dahil dito, kumpiyansa si Magsino na sa darating na 2025 ay maisasakatuparan na ang e-voting.
OFW Party-list kumpiyansang walang magiging security issue ang e-voting
Samantala, pinawi ni Magsino ang may agam-agam sa posibilidad na magamit ang e-voting para makapandaya sa halalan.
Umaasa naman ang OFW Party-list na makakakuha ng 90% voters turn out sa mga Pilipino sa ibang bansa kumpara sa 30% voters turn out noong 2022 elections.