Duterte, wala pang official statement kung may susuportahang presidential candidate — Malakanyang
WALA pang inilalabas na official statement si Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungkol sa kanyang susuportahang presidential candidate.
Ito ang inihayag ni Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa isang pulong balitaan.
Aniya, hindi nakatitiyak ang Palasyo kung suportado ni Pangulong Duterte ang desisyon ng kanyang ruling party na Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ngayong araw lamang pormal na inindorso ng PDP-Laban si presidential candidate former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kandidatura nito sa pagkapangulo.
“The PDP-Laban just like any political party is composed of members and officials – that is a collegial decision as a political party. But the President himself has not given any statement on the issue or if he is not supporting this or that president,” pahayag ni Acting Presidential Spokesperson Sec. Martin Andanar.
“At again, iyong desisyon na iyon ng PDP-Laban ay base sa kanilang napag-usapan sa partido,” dagdag ng kalihim.
Kaya ani Andanar, mas maiging hintayin na lang ang magiging anunsyo ni Pangulong Duterte kung meron man patungkol sa kaniyang personal na desisyon.
Mababatid na nauna nang in-adopt ng PDP Laban Cusi wing ang running-mate ni Marcos na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, bilang vice presidential bet nito sa eleksyon sa Mayo.
Malakanyang: Pang. Duterte, ‘very relevant, influential’ ngayong panahon ng eleksyon
Samantala, inihayag ng Malakanyang na nananatiling relevant at influential political figure si Pangulong Duterte ngayong panahon ng halalan.
Sinabi ni Andanar na ito’y dahil inaasam halos ng presidential candidates ang endorsement ni Pangulong Duterte.
“We have seen that even Vice President Leni Robredo is open for the endorsement of the President; Senator Bongbong Marcos is also asking for the endorsement of the President. Kanina si Ka Leody ay nakausap ko at siya ay bukas naman kapag siya ay inindorso ni Presidente Duterte,” ani Andanar.
Dagdag pa ng kalihim, ang pag-asam ng mga kandidato ng endorsement mula kay Pangulong Duterte ay isang malinaw na pagkilala na ‘very good performance’ ang ipinapakita ng Punong-Ehekutibo.
“And that only goes to show that our President did a good job and remains to be a very influential person if presidentiables, left and right, are asking for his endorsement,” ayon ni Andanar.
Binigyang-diin ng Palace official na sinalungat ni Pangulong Duterte ang tradisyunal na landas ng mga nakaraang lider ng bansa na naging ‘lame ducks’ bago lumisan sa kanilang pwesto.
“To us in the Palace, what is important to us is that our President remains very relevant. Our President is not following the footsteps or the path of the tradition that the President becomes [a] lame duck or when the President’s endorsement becomes a kiss of death because to the contrary,” ani Andanar.
Matatandaang inihayag ng Malakanyang na makailang beses nang binanggit ni Pangulong Duterte na mananatili itong neutral ngayong 2022 elections maliban na lamang kung may kadahilanan na magpapabago ng kanyang pasya.