DTAM, dinepensahan ang pag-aaral sa paggamit ng green chiretta bilang gamot sa COVID-19

International
DTAM, dinepensahan ang pag-aaral sa paggamit ng green chiretta bilang gamot sa COVID-19

DINEPENSAHAN ng Department of Thai Traditional and Alternative Medicine (DTAM) ang pag-aaral nito sa paggamit ng andrographis paniculata o mas kilala bilang green chiretta para sa paggagamot ng mga pasyente ng COVID-19.

Nakakatulong umano ang nasabing herbal plant na makarekober ang mga pasyenteng mayroong mild symptoms sa kabila ng desisyon ng mga author ng nasabing pag-aaral na huwag itong ilathala dahil sa statistical error.

Ayon sa Thai Traditional and Alternative Chief Dr. Amporn Benjaponpitak, ang error sa pag-aaral na pinamagatang ”Efficacy and safety of Andrographis Paniculata extract in patients with mild COVID-19: A randomized controlled trial” na na-upload sa online pre-print journal na Medrxiv ay hindi nakakaapekto sa konklusyon nito.

Nakatutulong umano ang pag-aaral na ito upang maiwasan ang lung infection kasabay ng lumalalang sakit na COVID-19.

Ang withdrawal umano ng nasabing pag-aaral ay walang kinalaman sa polisiya ng gobyerno na gumamit ng green chiretta para gamutin ang mga pasyente ng COVID-19 na mayroong mild symptoms.

Sa pag-aaral na isinagawa sa 56 na pasyente ng COVID-19 na mayroong mild symptoms, 28 participants ang binigyan ng green chiretta extract habang 28 participants rin ang binigyan ng placebo.

Nagpakita na hindi na lumala ang lung infection sa mga pasyente na binigyan ng green chiretta extract maging ang mga participant na gumamit ng placebo.

SMNI NEWS

Related Posts