Mandatory quarantine sa mga papasok sa Malaysia, lalong hinigpitan
INIHAYAG ng Health minister ng Malaysia na ang mandatory quarantine para sa mga papasok ng Malaysia ay mas hinigpitan bilang pag-iingat sa Omicron variant.
Inanunsyo ni Health minister Khairy Jamaluddin na sinusubaybayan ng ministry ang B.1.1.529 variant o kilala ngayon bilang Omicron variant na pinakabagong mutation ng Corona virus.
Ayon kay Khairy, nakita ang bagong variant sa tatlong bansa, sa South Africa, Botswana at Hongkong.
Aniya, kasunod ng pagkakatuklas ng bagong variant ay nagpasya ang Ministry of health na magpatupad ng travel ban sa South Africa, Botswana, Eswatini, Lesotho, Mozambique, Namibia at Zimbabwe.
Ang mga dayuhang manlalakbay na may travel history mula sa pitong bansa na nabanggit sa loob ng huling labing-apat na araw ay hindi pahihintulutan na makapasok ng bansa habang ang mga Malaysian na gustong bumalik ng bansa ay kinakailangang sumailalim sa 14 day quarantine kahit fully vaccinated na ang mga ito.
Samantala, mas pinaigting ng Sarawak State Disaster management ang mga regulasyon sa mga manlalakbay o mandatory quarantine na papasok ng Estado kasunod ng mga ulat sa bagong variant ng COVID-19.