Japan, gagastos ng $488-B para sa economic stimulus

International
Japan, gagastos ng $488-B para sa economic stimulus

GAGASTOS ang Japan ng $488-B para sa economic stimulus package na naglalayong bawasan ang epekto ng pandemya sa bansa.

Ang package, kabilang ang mga hakbang sa patakaran na pinondohan ng pribadong sektor tulad ng emergency bank lending sa mga naghihirap na negosyo, ay nagkakahalaga ng 78.9 trillion yen.

Kabilang sa ipamamahaging economic stimulus package ay ang 100,000 yen handouts sa cash at vouchers para sa mga batang may edad labing walo pababa sa mga sambahayan na may kita na mas mababa sa 9.6 million yen, kung saan inaasahang magkakahalaga ng humigit-kumulang 2 trillion yen.

Karagdagang 2 trillion yen ang ilalaan para sa financial aid sa mga naghihirap na pamilya at mga estudyante, habang ang mga malliliit na kumpanya na nahirapan dahil sa pandemya ay inaasahan rin na makatatanggap ng suportang pinansyal hanggang 2.5 million yen.

At para palakasin ang pagkonsumo habang isinusulong ang paggamit ng “my number” identification card system, magbibigay ang gobyerno ng shopping points na nagkakahalaga ng hanggang 20,000 yen sa mga indibidwal na mayroon na o bagong kuha ang card.

Samantala, upang pondohan ang package, nilalayon ng pamahalaan na magpasa ng karagdagang budget sa isang extraordinary parliamentary session na gaganapin sa katapusan ng taon.

SMNI NEWS

Related Posts